"May Bukas Pa!" - Alay ko sa mga inulila ni John David T. Galima (1995 - 2009)

Hindi ako panatiko o masugid na manonood ng programang "May Bukas Pa" ng ABS-CBN, gayunpaman personal kong nagustuhan ang temang awitin ng progma na ni-revive ni Erik Santos, ang "May Bukas Pa." Nagustuhan ko ito dahil sa maganda nitong mensahe na humihimok sa tagapakinig na magpatuloy sa pananampalataya sa kabila ng mga pagsubok at problema.

"May bukas pa sa iyong buhay...
tutulungan ka ng Diyos na Maylalang!
Ang iyong pagdaramdan,
Idalangin mo sa Maykapal
Nang sa puso mo'y mawala ng lubusan..."

Naging masaya ang pagdiriwang namin ng Pasko noong disperas ng Noche Buena. Hindi man kami kumpleto magkakapatid, ipinagbunyi parin naming maligaya ang kapanganakan ni Jesu-Cristo na ating Tagapagligtas. Ngunit lingid sa aming kaalaman na mayroon palang mangyayaring hindi inaasahan. Tanghali ng Disyembre 26 nang matanggap namin ang masamang balita na ang pinsan kong si John David "Jan-Jan" T. Galima, 14 taong gulang, ay binawian na ng buhay noong madaling araw ng Disyembre 25 dulot ng isang aksidente (ilang impormasyon tungkol sa aksidente ay makikita sa dito). (Si Jan-Jan ang ikalawang anak ng tiyahin kong si Rositta Tombo Galima, na isa ring mananampalataya ni Cristo).

Noong una'y hindi pa ako lubusang naniwala agad. Paskong-pasko, tapos gano'n? Parang kailan lang ay nagkukulitan pa kami. Ginising ko ang mama ko upang ipaalam ang balita, at nang malaman na wala na ang pamangkin niya, natutulala siya at humagulgol ng iyak. Daglian kaming pumunta (kasama ng aking mga kapatid) sa pinaglalagakan ng mga labi ni Jan-Jan upang makiramay sa pagluluksa ng kanyang mga magulang. Pagdating namin doo'y hindi na namin napigilan ang aming mga emosyon at ipinagluksa namin ang pagkawala ng aming mahal sa buhay.

"NAPAKA-SAKIT para sa isang ina ang mawalan ng anak" ayon sa kasabihan, at ito'y totoo nga. Ngunit sa kabila ng mga nangyari sa kanyang buhay, nakikita ko sa mga mata ng ina ni Jan-Jan ang pagkakaroon ng pagasa at katatagan. Pagasa at katatagan na hinuhugot niya sa Diyos. "Kapit lang, tita. Kaya natin 'to" sabi ko sa kanya. "Oo, I know he's in a better situation right now. It is better this way" sagot naman niya habang nakangiti. Totoo ang mga ngiting nakita ko sa kanyang mga labi, ngunit alam kong sa pinaka-malalim na bahagi ng kanyang puso ay ang hindi maipaliwanag na damdamin ng isang ina na nawalan ng isang anak.
    Kaninang umaga, bago ihatid sa kanyang huling hantungan ay pinaghandugan ng misang katoliko ang aking pinsan. Naroon ang kanyang mga kaibigan, kaklase, ilang mga kapit-bahay, at mga kaanak. Doon pa lamang ay naging emosyunal na ang lahat. Nakita ko ang taos puso nilang pagluluksa at pakikiramay. Tunay ngang maraming nagmamahal sa kanya.

    Pagkatapos ng misa ay idiniretso na sa simenteryo ng Bag-Bag ang kanyang mga labi upang doon ilibing. Bago ang libing, binasa ng lahat ang Awit 23 at pagkatapos ay inawit ang isa sa mga paboritong kanta ni Jan-Jan, ang "Who Am I" (ng Casting Crowns) sa pangunguna ko. Pagkatapos nito, binuksan ang kasket ng mga labi upang doon sa loob ilagay ang isang bag na nilalaman ng ilan sa mga alaala ni Jan-Jan na tinatawag nilang "pabaon." Naging emosyunal ang lahat lalo na ang aking lola nang buksan na ito. Samantala, nananatiling kalmado at matatag ang mga magulang ng pumanaw. Hihintayin pa sana ang pagdating ng isa naming tiyahin, ngunit upang kumalma ang aming lola, pinagpasiyahan na nilang ilibing na ang mga labi sa lalong madaling panahon. At gayun nga, ang mga labi niya ngayo'y nakalagak na sa huling hantungan nito.

    Sadya ngang napakasakit mawalan ng isang mahal sa buhay. Ngunit ganyan talaga ang buhay ng tao; marupok at walang katiyakan. Minsan kausap mo lang kanina, mamaya wala na pala. Kung oras mo na, oras mo na. Ngunit sa mga taong nililisan, sadyang mahirap itong kalimutan nang agaran. Mahirap tanggapin, ngunit DAPAT nating tanggapin. At upang maisagawa natin yan, nangangailangan tayo ng kalinga at pakikiramay ng isa't-isa at gabay ng Salita ng Diyos.

    Narito ang apat na bagay na dapat nating tandaan upang gumaan ang ating dinadalang kapighatian:
    1. Lahat ng tao ay mamamatay (Hebreo 9:27) - Lahat tayo ay hahantong sa tinatawag nating "kamatayan." Ang pinagkaiba nga lang, mayroong nauuna, mayroong nahuhuli. Sabi nga nila, "una-una lang yan!"
    2. May Plano ang Diyos (Roma 8:28) - Hindi man natin maunawaan sa ngayon kung bakit nangyayari ang mga bagay na ito, dapat tayong magtiwala sa Diyos na siyang may kontrol sa lahat ng kaganapan sa ating buhay. Siya ang mas nakakaalam, at kung ano man ang layunin niya para sa atin, makasisiguro tayong para iyon sa MAS ikabubuti natin. Magtiwala lang tayo.
    3. Mayroon pang kabilang buhay (1 Tesalonica 4:13-18) - Kumpara sa buhay na walang hanggan na ipinangako ng Diyos sa atin, walang binatbat ang ikli ng buhay natin dito sa mundo. Nabuhay si Jan-Jan ng 14 taon, at sa loob ng maikling panahong ito'y marami tayong pinagsaluhang magagandang alaala kasama siya. Ngunit hindi lamang 14 taon ang haba ng kabilang buhay kung saan makakasama natin siya "MAGPAKAILAN KAILAN PA MAN!"
    4. May Bukas Pa (Filipos 3:13) - Hindi dapat tumigil nang tuluyan ang mundo natin dahil sa pagkawala ng isang mahal sa buhay. Mayroon pa tayong "takbuhin" (Race) na dapat takbuhin at tapusin, bagamat minsan ay nadarapa tayo - BANGON LANG! May bukas pa!
    Sa mga naulila ni Jan-Jan, KAPIT LANG po tayo sa itaas. Kung tutuusin, hindi po natin kakayanin ito kung tayo lang. Ngunit kung isusuko natin ang lahat-lahat sa Panginoon, asahan nating May Bukas Pa na mas mabuting araw kaysa ngayon.

    Picture of John David T. Galima, taken on December 23, 2009.
    (September 30, 1995 - December 25, 2009)

    Maraming salamat po sa mga nakiramay. Manigong Bagong Taon po sa lahat!

    "...pagiyak ay magtatagal ng magdamag,
    nguni't kagalakan ay dumarating sa kinaumagahan..."
    [Awit 30:5]

    Sa Diyos ang tanging Kapurihan. Amen!

     
    ©2009 Pinoy Reformista | by TNB | Gorgeous Beaches of Goa